Nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang naging insidente na kinasangkutan ng isang overseas Filipino worker sa OFW Lounge ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, matapos nitong dumating mula Dubai.
Ayon sa OWWA, batay sa CCTV footage, incident reports at pahayag ng mga personnel, nakapasok ang OFW sa lounge at na-assist sa registration at mga bagahe nito. Wala umano itong connecting domestic flight dahil magpapatuloy ito patungong Romblon sa pamamagitan ng land at sea travel. Gayunman, pinayagan pa rin siyang makapasok bilang tulong at sinabihang maaari itong kumuha ng pagkain at inumin.
Nilinaw ng OWWA na ang OFW Lounge ay nasa departure area at pangunahing para sa mga OFW na may departing o connecting flight.
Para naman umano sa mga distressed OFW na nangangailangan ng arrival assistance, transportasyon, pagkain o pansamantalang matutuluyan, maaaring lumapit sa OWWA Airport Arrival Assistance Desk na matatagpuan sa arrival area ng NAIA Terminals 1 at 3, pagkatapos ng Customs.
Patuloy namang sinusuri ng OWWA ang insidente at nangakong ilalabas ang verified facts matapos makumpleto ang imbestigasyon.