Umarangkada na ang 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Pasay City ngayong Lunes, sa pangunguna ng Pilipinas bilang chair ng ASEAN 2026.
Sa media briefing na isinagawa ni ASEAN 2026 Spokesperson Dominic Xavier Imperial, inilatag nito ang schedule ng mga pagpupulong ng ASEAN member states. Kasama din ang mga meeting na dadaluhan ng mga high contracting parties gaya ng Estados Unidos, China, Russia, Japan, Australia, South Korea, India, United Kingdom, at European Union.
Kabilang sa mga tatalakayin ang pagtugon sa mga geopolitical issues sa mundo ngayon, kabilang sa mga ito ang usapin ng sigalot sa Middle East.
Magkakaroon din ng pagpupulong sa pagitan ng Pilipinas at China, sa kabila ng iringan ng ilang opisyal ng magkabilang panig kamakailan, na kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea. Ayon sa tagapagsalita ng ASEAN 2026, magandang pagkakataon ito para mapahupa ang tension at maisulong ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Kinumpirma din ni Imperial na dadalo sa ASEAN event si Russian Foreign Minister Sergey Lavrov.
Samantala, magpupulong ngayong Lunes ang mga kinatwan ng ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights. Susundan ito ng meeting ng Southeast Asia Nuclear Weapon Free Zone Commission, na kapwa isasagawa sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Pagtapos ng mga pagpupulong, isasagawa naman sa Biyernes, July 24, ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, na nagsilbing pundasyon sa pagkakatatag ng ASEAN. Kinagabihan ay magkakaroon ng Gala Dinner sa Malacañang na pangungunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
