Nakikipag-ugnayan na ang Manila Police District o MPD sa mga eksperto sa cybercrime at malalaking technology company upang matukoy ang pinagmulan ng kumalat na text message na naglalaman ng pananakot laban sa ilang pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines, humingi na sila ng tulong sa anti-cybercrime unit, Meta Philippines, at Google upang matunton ang account at ang taong nasa likod ng pagpapakalat ng mensahe.
Kasabay nito, naghigpit na rin ang MPD ng seguridad at nakipag-ugnayan sa mga pamunuan ng mga paaralan matapos matanggap ang banta.
Bumuo na rin ng group chat ang mga awtoridad at school officials upang mabilis na maiparating at maaksyunan ang anumang kahina-hinalang aktibidad o hindi inaasahang insidente sa loob at labas ng mga paaralan.
Binalaan ni Ines na maaaring maharap sa kasong alarm and scandal at grave threats ang sinumang mapatutunayang sangkot sa pagpapakalat ng ganitong uri ng pananakot.
Nanawagan naman ang MPD sa publiko na huwag nang ipasa o ikalat ang mga banta at sa halip ay agad itong i-report sa mga awtoridad upang mapigilan ang paglikha ng takot at mapanagot ang mga responsable.