Patuloy ang imbestigasyon sa pamamaril at pagpatay sa isang barangay captain sa Sto. Tomas City, Batangas umaga ng October 15.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, may “solid leads” na sila sa mga nasa likod ng krimen.
Makikita sa CCTV footage na naglilinis ng terrace ang 50-taong-gulang na biktima nang lapitan at barilin ito ng isa sa mga suspek. Makikita rin na may kasama itong naghihintay sa motorsiklo, na ginamit nila para tumakas.
Apat na tama ng bala ang tinamo ng biktima, dalawa sa braso at dalawa sa ulo.
Narekober sa lugar ang apat na basyo ng bala at dalawang deformed slug na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril.
Ani Co, kabilang sa tinitingnang motibo ang dating alitan ng biktima at ng isang indibidwal na dati niyang kinasuhan ng grave threats.
Gayunman, hindi isinasantabi ng pulisya ang iba pang posibleng motibo ngayong gumugulong ang imbestigasyon.