Photo courtesy of Senate of the Philippines
Inilahad ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang mga naging kaganapan at kautusan ng korte habang naka-recess ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte mula October 13.
Kabilang dito ang pagpapanatili ng sub judice rule sa lahat ng articles of impeachment, kahit sa 3 mga artikulong binawi na ng prosekusyon (Articles 1, 3 and 4).
Ayon kay Escudero, inilabas ang kautusan noong November 5 kasunod ng apela ni Senator-Judge Francis Pangilinan at manifestation ng kampo ni Duterte na hindi nito isinusuko ang karapatan sa ilalim ng Rule XVIII.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng Presiding officer ang lahat ng saklaw ng patakaran na iwasang maglabas ng mga public statements o comments tungkol sa merito ng impeachment case.
Samantala, inanunsyo ring pormal nang nagtapos ang presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon kaugnay ng Article II matapos isumite ang kanilang formal offer of documentary evidence noong October 20 at maghain ng komento ang depensa noong October 30.
Tinalakay rin ni Escudero ang listahan ng 24 na testigong nais iharap ng depensa para sa mga pagdinig mula November 9 hanggang 13.
Hindi na kabilang dito si dating Dean Ralph Sarmiento, na binawi ng depensa bilang testigo.
Pinagbigyan din ng Impeachment court ang kahilingan ng depensa na ilipat sa November 10 ang pagtestigo ni Atty. Suzette Balucanag-Punay (Corporate Counsel ng GenCorp Industries at Metro City Chow Foods Corporation) dahil sasailalim ito sa MRI examination ngayong lunes.
Si Punay sana ang unang testigo ng depensa. Samantala, inaprubahan ng Impeachment court ang pagpapalabas ng mga subpoena para kina Atty. Anel S. Antero, Chadrin Parian at Vimar M. Barcellano, na nakatakdang iharap ng depensa sa mga susunod na araw.