Pumalo na sa 607,574 ang bilang ng mga guro na lumahok sa iba’t ibang pagsasanay at professional development na inihanda ng Department of Education (DepEd), simula 2022 hanggang 2025.
Bukod dito, ayon kay Education Secretary Sonny Angara, umakyat na rin sa higit 18,000 guro ang na-promote ngayong 2026. Target pa aniya ng DepEd na ma-promote ang karagdagang 132,000 sa 2027.
Sabi ng kalihim, kasabay ng career advancement na ito, ay ang pagbawas ng DepEd sa mga dokumentong kailangang asikasuhin ng mga guro mula 174 tungo sa 75 forms, kung saan lima na lamang ang kailangang regular na kumpletuhin. Sa ganitong paraan, mas makakapag-focus ang mga guro sa pagkatuto ng mga estudyante.
Nagbigay rin ang pamahalaan ng mga laptop sa mga pampublikong guro upang suportahan ang paghahanda ng mga ito sa aralin at paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo.
Samantala, inaasahang tutulong ang 234 na bagong SCA sa paggabay sa mga mag-aaral at pagtugon sa kanilang mga pangangailangang akademiko at personal upang matiyak na mayroon silang ligtas at maayos na kapaligiran sa paaralan.
Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng career progression, pagsasanay, at suporta sa mga guro, patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang pagpapahusay sa pampublikong edukasyon at paghahanda sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino. | ulat ni Racquel Bayan