Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang POGO hub sa Brgy. Bel-Air, Makati City.
Pinangunahan ng CIDG, ACG at PAOCC ang operasyon katuwang ang Philippine Air Force at Military Intelligence and Digital Forensic Unit ng AFP ang paghahain ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD).
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng lima dahil sa paglabag ng naturang gusali sa Republic Act No. 12312 (Anti-POGO Act of 2025) dahil sa patuloy pa ring pag-ooperate kahit mahigpit na itong ipinagbabawal sa bansa.
Nasabat dito ang 13 computer system units, 50 monitors, Network Video Recorder (NVR), Digital Video Recorder (DVR), 29 mobile phones, 5 laptop computers, USB flash drives, hard drive, modem router, online betting cards, at SIM cards.
Ayon kay CIDG Director, PMGen. Robert Morico II, pawang mga babae ang limang naaresto kabilang na ang subject ng Search Warrant dahil sa pagpapatakbo ng naturang POGO hub.