Kabisado na umano ng China ang pagpapakalat ng kasinungalingan at pagbaluktot sa katotohanan upang bigyang katuwiran ang kanilang ilegal at agresibong mga aksyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay House Posecution Panel Adviser at Spokesperson Rep. Ace Barbers na ang patuloy na pagbabaluktot ng Beijing sa mga katotohanan ay bahagi ng isang kalkuladong kampanya upang sirain ang karapatan sa soberanya ng Pilipinas.
Ito ang tugon ni Barbers sa pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na tila pananakot sa Pilipinas.
Layon umano ng naturang bansa na lituhin ang international community, at palabasin ang kanilang sarili bilang biktima sa kabila ng kanilang mga aksyong nagdudulot ng tensyon sa karagatan.
Binigyang-diin ng dating mambabatas mula Mindanao na ang West Philippine Sea ay hindi paligsahan sa propaganda kundi isang usaping ginagabayan ng batas pambansa at pandaigdig.
Aniya, dapat patuloy na manindigan ang Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling, na nagpawalang-bisa sa pinalawak na nine-dash line claim ng Tsina.
Nawagan din si Barbers sa mga Pilipino na manatiling mapagmatyag laban sa mga propagandang naglalayong maghasik ng kalituhan, maghati sa opinyon ng publiko, at magpahina sa suporta ng bansa sa legal nitong ipinaglalaban. | ulat ni Melany Reyes