Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang mas mataas na pondo para sa edukasyon sa 2027, sa gitna ng mga kakulangan sa silid-aralan, pagbaba ng alokasyon para sa school feeding program, at pangangailangang palakasin ang kaligtasan sa mga paaralan.
Sa pagdinig sa budget ng Department of Education (DepEd), sinabi ni Aquino na nais niyang maibalik sa 4 percent ng gross domestic product (GDP) ang pondong ilalaan ng bansa sa edukasyon.
Aniya, kulang pa ang kasalukuyang alokasyon batay sa kanilang pagtaya.
Binigyang-diin ng senador na kailangang tiyaking sapat ang pondo para sa mga programang direktang makikinabang ang mga mag-aaral at guro, sa halip na unahin ang mga proyektong maaari pang ipagpaliban.
Kabilang sa mga pangunahing isyung nais niyang tutukan ang 68-billion pesos sa Classroom Acceleration Program, na layong tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Hiniling niyang malinawan sa DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH ) ang mga naantalang proyekto at ang plano para mapabilis ang pagtatayo ng mga classroom.
Kinuwestiyon din ni Aquino ang malaking bawas sa pondo ng school feeding program, mula 27 bilyong piso noong 2026 tungo sa 11 bilyong piso sa bersyon ng panukalang budget.
Aniya, kailangang paghandaan ang dagdag na pangangailangan sa pondo dahil sa panukalang pagpapalawak ng libreng pagkain para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, gayundin ang pagtaas ng halaga kada pagkain mula 25 pesos tungo sa 35 pesos.
Bukod dito, nais ding matiyak ni Aquino na may sapat na pondo para sa pagpapatupad ng School Safety Act, na naglalayong maglatag ng mas komprehensibong sistema para sa kaligtasan ng mga paaralan.
Hindi aniya dapat matapos sa isang taon ang pagtugon sa krisis sa edukasyon.
Kailangan aniya ang tuloy-tuloy na pagpopondo, malinaw na mga target at mga programang may konkretong resulta para matiyak na napapakinabangan ng mga batang Pilipino ang bawat pisong inilaan sa edukasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion