Tinanggap na ni Senate President Sherwin Gatchalian ang paghingi ng paumanhin ni House Lead Prosecutor Representative Gerville Luistro kaugnay ng mga kumalat na larawan ng mga miyembro ng prosecution panel na nag-wacky pose sa loob ng session hall ng senado.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na magpapadala pa rin ng babala ang Senado matapos ang ginagawa nilang imbestigasyon.
Ayon kay Gatchalian, nagpapatuloy ang pagsusuri sa CCTV footage para matiyak kung tunay ang mga kumakalat na larawan at video, kabilang ang mga ulat tungkol sa pagsasayaw sa loob ng Senado.
Matapos nito ay inaasahang maglabas ng mga babala sa mga sangkot.
Ipinaliwanag ng lider ng senado na bagama’t walang problema sa pagkuha ng mga larawan bilang alaala, dapat pa ring panatilihin ang tamang asal sa loob ng session hall, na nakaayos bilang isang korte para sa impeachment trial.
Hindi rin aniya pinapayagan ang pagsasayaw sa mga pasilyo ng Senado dahil mahalagang mapanatili ang dignidad ng institusyon, lalo na sa harap ng mga bumibisitang opisyal at foreign dignitaries. | ulat ni Nimfa Asuncion