Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Mahalaga ang pagdaraos ng ASEAN Foreign Ministers’ Meeting ngayong Hulyo 19 hanggang Hulyo 24 upang malaman ang kasalukuyang global o geopolitical situation at global economy, partikular sa ASEAN Region.
Ito ang naging pahayag ni foreign affairs at security analyst Prof. Lucio Blanco Pitlo III sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay Prof. Pitlo, ang paglahok ng Estados Unidos, China, at Russia sa ASEAN Foreign Ministers’ Meeting ay pagkakataon upang malaman ang tunay na sitwasyon sa seguridad at global economy dahil sa patuloy na giyera sa pagitan ng US at Iran, at sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Pinunto din ng eksperto na ang Pilipinas, bilang Chair ng ASEAN 2026, ay maaaring maglatag ng mga kaganapan na pumapaimbulog sa mga ASEAN member-states, tulad ng sitwasyon sa Myanmar at sa West Philippine Sea.
Bukod sa ASEAN Foreign Minister’s Meeting, gaganapin din ngayong Hulyo sa bansa ang Post-Ministerial Conference at ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation.
Nakatakdang dumalo sa nasabing event ang walong foreign ministers, kabilang si US Secretary of State Marco Rubio, Chinese Foreign Minister Wang Yi, Russian Foreign Minister Sergev Lavrov, Australian Foreign Minister Penny Wong, at ibang foreign ministers mula New Zealand, Japan, India, at European Union.