Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga tauhan nito na huwag maging kampante sa nai-ulat na pagbaba ng antas ng krimen sa buong bansa.
Kasunod ito ng pagbaba ng focused crimes sa 20.6% mula nang itulak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Safer Cities Initiative.
Sa lingguhang flag raising sa Kampo Crame, sinabi ni Nartatez na malaking hamon pa rin sa kanila ang pagbibigay hustisya para sa mga biktima.
Magugunitang iginiit ni PNP Acting Spokesperson, Police Col. Allen Rae Co na mas ligtas ang PIlipinas ngayon kumpara sa mga nakalipas na panahon.
Sadyang mas nakikita lamang kasi aniya ngayon ng publiko ang sensationalized na balita ng karahasan gaya ng pagpatay sa mga motorcycle taxi rider gayundin sa mga naitatalang karahasan sa paaralan.
Kaugnay nito, nananatili ang direktiba ng PNP chief sa mga tauhan nito na manatiling propesyunal, handa at tumugon sa mga emergency sa oras ng krimen.