Inilatag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga repormang magpapa-simple sa pagbabayad ng buwis at magpapagaan sa pagsunod ng mga negosyo sa tax requirements sa pagpupulong ng Philippine Exporters Confederation (PHILEXPORT), sa Parañaque City.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, kabilang sa mga reporma ang pinasimpleng eBIRForms, Digital TIN, Taxpayer Portal, at iba pang digital services upang mapabilis ang transaksyon ng mga taxpayer.
Sinabi ni Mendoza, na layunin ng BIR na gawing mas episyente, malinaw, at madaling sundin ang mga patakaran sa buwis alinsunod sa direktiba ng administrasyon.
Tinalakay rin ng BIR ang mga reporma sa tax audit at patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga negosyo upang mapabuti ang pagpapatupad ng mga polisiya.
Sa panig ng PHILEXPORT, iginiit nito na mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapalakas ang industriya ng pag-e-export at mapanatiling kompetitibo ang mga negosyong Pilipino.