Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Hindi mas sensitibo ang Generation Z kumpara sa mga nakaraang henerasyon. Sa halip, mas malaya at may kakayahan lamang silang magpahayag ng kanilang nararamdaman.
Ito ang binigyang-diin ni Jesusa Bianca A. Fernandez mula sa Guidance and Counseling Program ng Office of Student Affairs sa University of the Philippines Manila sa isang panayam sa programang “Warm Heart” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay Fernandez, naging taboo o labis na tiningnan nang may stigma ang mga usapin ukol sa mental health, saloobin, at emosyon sa mga mas nakatatandang henerasyon.
Malaki ang pagkakaiba nito sa kasalukuyang panahon kung kailan madaling makuha ang impormasyon. Dahil dito, mas nagkakaroon ng malalim na ideya ang mga kabataan ukol sa kanilang pinagdadaanan.
Idinagdag din ni Fernandez na ang bawat indibidwal ay may magkakaibang antas ng pinagdadaanan.