Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Patuloy ang pag-usbong ng game development industry dito sa ating bansa, lalung-lalo na at may ilang mga unibersidad na nag-aalok na ng programs at courses kung mahahasa ang kakayahan ng ating mga kabataan sa paglikha ng video games.
Ito ang ibinahagi ni CBZN Perspective Chief Partnerships Officer Joebert Yu, na isa rin sa mga head organizer ng Philippine GameDev Expo (PGDX) 2026, sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ani Yu, kabilang sa mga unibersidad na ito ay ang De La Salle-College of Saint Benilde at ang iACADEMY.
Dagdag pa ng CBZN Perspective official, marami sa mga Pilipinong game developer ay nakapag-self-publish na o naghahanap ng game publisher upang makilala ang kanilang video games.
Matatandaan na ang PGDX 2026, na produkto ng pagtutulungan ng CBZN Perspective at ng Game Developers Association of the Philippines, ay isa sa mga bahagi ng 2026 ASEAN Chairship Side Events Calendar.
Ayon kay Yu, nasa 160 indie games ang itatampok sa PGDX 2026 mula sa bilang na 50 sa unang edisyon ng naturang expo noong 2023.
Aniya pa, bukod sa local game developers ay lalahok din ang mga banyaga upang mai-promote din ang kanilang nai-develop na video games.
Samantala, inilahad ni Yu na bukod sa gaming-related products ay maaari ring makabili ang mga dadalo sa PGDX 2026 ng non-gaming hardware mula sa ilang sikat na brands.