Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binuksan ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar ang isang Family Corner, kasabay ng obserbasyon ng World Breastfeeding Month ngayong Agosto.
Ito ay isang hakbang na layong tugunan ang pangangailangan ng dumaraming bilang ng mga Pilipinong nagpapakasal at nagpaparehistro ng kapanganakan sa naturang bansa, kabilang na ang breastfeeding mothers.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Philippine Ambassador to the State of Qatar Mardomel Celo Melicor na ang adbokasiya ng ating Embahada sa Doha sa likod ng itinatag na Family Corner ay ang pagbibigay ng proteksyon sa mga pamilyang Pilipino na pumupunta sa kanilang tanggapan.
Ani Ambassador Melicor, nais nilang mahikayat ang mga breastfeeding mother na gawin ang tamang health practices.
Kaugnay nito ay ibinahagi ng Embassy official na naglagay sila ng information stands at reading materials sa naturang Family Corner, at kabilang sa mga paksa na nakapaloob sa reading materials na ito ay reproductive at family health.
Inihayag din ni Ambassador Melicor na mayroon silang ugnayan sa mga Pilipinong healthcare professional sa Qatar na tumutulong din sa pagsusulong ng family health doon.
Batay sa datos ng Philippine Embassy sa Doha noong 2025, nasa 270 na Pilipino sa Qatar ang kasal habang mayroon namang 3,392 na reports of birth at 86 na reports of marriages.
Ayon kay Ambassador Melicor, ipinapakita lamang nito na masasabing “bata” pa ang populasyon ng mga Pilipino sa nabanggit na Gulf nation.