Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Para sa Bulacan Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office (PHACTO), nagbibigay ang Singkaban Festival ng pagkakataon upang maibahagi ang sinig at kultura mula sa iba’t ibang lungsod at bayan sa naturang lalawigan.
Matatandaan na hango ang salitang “Singkaban” sa mga arkong gawa sa kawayan na ginagamit sa pagtanggap ng mga bisita tuwing panahon ng piyesta.
Sa ngayon, ang ibig sabihin ng “Singkaban” ay “SIning at KAlinangan ng BulacAN”.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, ibinahagi ni PHACTO Officer-in-Charge Limuel Jan Lobederio na tampok din sa naturang pagdiriwang ang iba’t ibang mga tanyag na pagkain, produkto, at talentong Bulakenyo.
Ani Lobederio, binibigyang-pakilala sa Singkaban Festival ang mga kabataan, lokal na negosyante, tourism stakeholders, at ang iba’t ibang kwento sa buong probinsya.
Dagdag niya, maihahalintulad ang Singkaban Festival sa isang malaking larawan na nagpapakita sa identidad ng Bulacan na patuloy na gumagalaw at nagbabago.
Nagsimula ang pagdiriwang ng naturang piyesta ngayong taon noong Agosto 15 na siyang anibersaryo ng pagkakatatag ng Bulacan.
Simula taong 1987 ay mayroon nang selebrasyon para sa Singkaban Festival, na kilala pa noon bilang “Linggo ng Bulacan”.