Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga bayaning Pilipino, kabilang ang mga hindi man kilala ngunit nagsakripisyo para sa pagtatatag at pagpapaunlad ng Pilipinas.
Sa pagdiriwang ng National Heroes Day, nanawagan din ang Pangulo sa publiko na isabuhay ang diwa ng kabayanihan sa pamamagitan ng paglilingkod sa bayan at pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.
Aniya, pagkakataon ang selebrasyon ngayong araw (August 31), upang kilalanin din ang mga ordinaryong Pilipinong patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at komunidad.
“As we celebrate National Heroes Day, we honor the Filipinos who gave their courage, their strength, and, in some cases, their lives for the freedom and dignity of our nation,” ani Pangulong Marcos Jr.
Partikular na binanggit ni Pangulong Marcos ang kasalukuyang hamon na kinakaharap ng bansa, lalo na ang pangangailangang protektahan ang pambansang interes, itaguyod ang rule of law, at siguruhin ang seguridad ng mga yamang mahalaga sa mga komunidad ng Pilipino.
Ayon sa Pangulo, 10 taon na ang lumipas mula nang ilabas ang 2016 Arbitral Award na kumilala sa maritime entitlement ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
“Ipaglalaban natin ang ating mga karapatan sa paraang mapayapa, naaayon sa batas, at naaayon sa ating mga prinsipyo,” sabi ng Pangulong Marcos.
Pananagutan aniya ng lahat ng mga Pilipino ang pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas.