Nagbukas ang panibagong pagkakataon para sa kapayapaan matapos pumayag si Russian President Vladimir Putin na ipagpatuloy ang trilateral na negosasyon kasama ang Ukraine at Estados Unidos upang wakasan ang nagpapatuloy na digmaan.
Ayon sa Kremlin, maaaring magsimula ang mga pag-uusap sa Abu Dhabi sa ika-10 ng Nobiyembre o sa mga susunod na araw.
Pangunahing pag-uusapan ang mga garantiyang panseguridad para sa Russia at Ukraine kapag natapos na ang labanan.
Ang hakbang ay kasunod ng halos tatlong oras na pagpupulong ni President Putin at ng U.S. envoy sa pangunguna ni Steve Witkoff sa Saint Petersburg.
Tinalakay rin nila ang mga bagong panukala para sa posibleng kasunduang pangkapayapaan.
Gayunman, nananatiling malaki ang pagkakaiba ng Moscow at Kyiv patungkol sa mga kondisyon ng kasunduan.
Iginiit ng Russia ang kontrol nito sa Donetsk at pagtutol sa pagsapi ng Ukraine sa NATO.
Patuloy namang itinutulak ng Washington sa magkabilang panig na makahanap ng solusyon, ngunit hindi pa tiyak kung magbubunga ng kongkretong kasunduan ang panibagong usapan.