Photo courtesy | France Ministère de l'Intérieur
Magpapakalat ng mga sundalo ang France kasama ng mga pulis upang tiyakin ang seguridad mula sa inaasahang panibagong mga protesta sa Sabado matapos ang malawakang kaguluhan at pagnanakaw sa ilang pangunahing lungsod nitong nakaraang linggo.
Ayon kay French Prime Minister Sebastien Lecornu, prayoridad ng pamahalaan ang maibalik ang kaayusan matapos ang mga insidente sa Paris, Marseille, Lyon at iba pang lugar.
Inamin ng punong ministro na nagkaroon nang pagkukulang sa pagtugon ang pamahalaan kabilang ang mga pagkabigo sa pangangalap ng impormasyon at hindi sapat na paggalaw ng mga pulis sa mga lugar na nanganganib.
Humingi naman ng paumanhin si Interior Minister Laurent Nuñez at inako ang bahagi ng pananagutan.
Ayon sa pamahalaan, nakatulong ang ipinatupad na mga localized curfew upang mapahupa ang tensiyon.
Gayunman, nananatiling mataas ang pangamba sa panibagong kilos-protesta dahil sa pagtaas ng gastusin at paghina ng mga serbisyong pampubliko.
Naghahanda rin ang mga awtoridad nang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa karahasan at paninira.