Iginiit ng Korte Suprema na kailangang magkaroon ng malinaw na limitasyon at sapat na pamantayan sa paggamit ng Unprogrammed Appropriations upang matiyak ang maayos na pamamahala sa pondo ng gobyerno, transparency sa paggasta, at pananagutan sa paggamit ng pera ng bayan.
Ayon sa kataas-taasang hukuman, ang paggamit ng nasabing pondo nang walang sapat na pamantayan ay maaaring lumabag sa Konstitusyon at magbigay sa ehekutibo ng halos walang limitasyong kapangyarihan sa paggasta.
Dahil dito, bukod sa pagbabawal sa paggamit ng lump sum appropriations, hinimok din ng Korte Suprema ang Kongreso na magtakda ng pamantayan kung ano ang dapat unahing pondohan kapag may higit sa isang layunin sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations.
Kahapon, idineklara ng Supreme Court en banc na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng 2024 at 2025 national budget kaugnay ng Unprogrammed Appropriations.
Pero nilinaw ng Korte Suprema na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang Unprogrammed Appropriations, basta’t may sapat na pamantayan at malinaw na kondisyon sa paggamit ng pondo.
Ito ay dahil sa pangambang maaaring mawalan ng kontrol ang gobyerno sa paggasta nito at sa pagpopondo sa mga aprubadong proyekto kapag hindi nakamit ang inaasahang kita ng pamahalaan.