Dapat akuin ni Senator Alan Peter Cayetano ang kaniyang kahinaan, kabagalan, at kawalan ng kakayahan na tuparin ang kaniyang pangako sa mga Pilipino.
“Isinulong ito noong siya pa ay miyembro ng Kongreso. At noong hindi ito umuusad, ang una niyang sinisi rito ay si Congressman Alfred Vargas kasi lumalabas na lagi siyang walang sala.” — Castro
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, makaraang sabihin ng senador na umano’y ni-reject ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukala niyang ₱10,000 cash assistance para sa mga mahihirap na pamilya.
“At noong May 14, 2021, ito nga ay sinabi natin na noon pa ito ipinapanukala pero hindi ito umandar, hindi ito umusad kaya naninisi ng iba. So, hindi pa po pangulo si Pangulong Marcos Jr. nang mga panahong ito. At noong July 24, 2021, nang hindi nga po ito umusad, ang sabi niya, ‘Let’s give people 10K, not 10K excuses.’ Again, dahil hindi ito umuusad sa Kongreso, muli siyang naninisi ng iba.” — Castro
Ayon kay Castro, kongresista pa lamang si Cayetano noong una niyang isinulong ang panukala sa Kamara sa ilalim ng Duterte administration.
“At nitong June 30, 2022, sinabi niya, ‘Sa mga nagba-bash sa 10K ayuda, kung kaya ko lang silang bigyan ng tig-sasampung libo, ibinigay ko na sana sa kanila. Pero sa katotohanan, ito’y isang legislative proposal.’ So, ang ibig sabihin nito, siya muna ang dapat na gumawa ng aksiyon. Kailangan niya muna itong paaprubahan sa Kongreso, sa House of Representatives at saka sa Senado. Kung wala pa po siyang nagagawa, wala pong masasabing ni-reject ang Pangulo dahil wala pa po siyang nasisimulan.” — Castro
Lumalabas aniya na kahit ang kaniyang mga kaalyado ay hindi nagtitiwala sa kaniyang panukala.
Ayon pa kay Castro, hindi na nga umusad sa Kongreso ang panukalang ito, ginamit pa umano ni Cayetano bilang campaign promise noong nakaraang halalan.
Payo ng Malacañang sa mambabatas na araling mabuti ang kaniyang panukala upang mahikayat niya ang kaniyang mga kasamahan na suportahan ito at upang hindi siya naninisi kapag hindi ito maipasa.
Kung maganda naman aniya ang panukala at tunay na pakikinabangan ng mga Pilipino, hindi malabong maisabatas ito. Sa ganitong paraan din, hindi magmumukhang “jet ski promise” ang panukalang ito.
“Akuin niya mismo kung ano ang kaniyang kakulangan. Ipinangako niya po itong 10K kada pamilya. Hindi na nga po ito umusad noong siya ay miyembro ng Kongreso pero ginawa pa rin niya itong pangako sa kaniyang pangangampanya. Huwag niya naman sanang gayahin iyong pangakong ala jet ski na pangkampanya lang.” — Castro
