Nananatiling buo ang kumpiyansa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng miyembro ng gabinete.
Tugon ito ni Communications Undersecretary Claire Castro makaraang tanungin kung mayroon pa ring tiwala ang Pangulo kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, matapos makaladkad ang pangalan sa di’umanoy anomalya sa pondo sa ginanap na 2019 SEA Games sa Pilipinas.
Kung matatandaan, si Dizon ang pinuno noon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na nangasiwa sa pagtatayo ng sports facilities sa New Clark City na ginamit sa SEA Games.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Castro na hanggat walang maipakitang ebidensiya na nagsasangkot sa sinoman sa miyembro ng gabinete, nananatili ang tiwala sa kanila ni Pangulong Marcos.
”Sa ngayon po, lahat naman po ng miyembro ng gabinete ng Pangulo ay… siya po ay may tiwala. Hangga’t wala naman pong naipapakita pang anumang ebidensiya na maaaring magsangkot sa mga miyembro ng gabinete patungkol sa korapsiyon, nananatili pong tiwala ang Pangulo,” paliwanag ni Castro.
Kung matatandaan, una nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na kung kakailanganin, posible nilang ipatawag si Dizon, upang hingan ng linaw sa usapin ng 2019 SEA Games.
Ang Malacañang, una na ring sinabi na dati nang naimbestigahan at naibasura ng Office of the Ombudsman ang reklamo laban kay Dizon, dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
“Sa atin pong pagkakaalam naimbestigahan po si Secretary Vince Dizon noong mga panahon na iyon patungkol po diyan sa issue na iyan. Siya po ay naimbestigahan, umandar iyong pag-iimbestiga at siya po ay napawalang-sala. Mayroon pong ganoong record,” ani Castro.