Nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para mabigyan ng tirahan ang mga pamilyang nasunugan sa Barangay Leon Garcia, Agdao, Davao City.
Ito ang inilahad ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pagbisita nito sa pamamahagi ng tulong sa mga nasunugan sa Leon Garcia Sr. National High School sa Davao City.
Inihayag ni Gatchalian na idinulog na nito kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mga pangangailangan upang magkaroon muli ng bahay ang mga nasalantang pamilya.
Ayon sa kalihim, pagsisikapan ng pamahalaan na makabangon muli ang mga pamilyang nawalan ng tirahan matapos matupok ng sunog.
Kaya, tuloy-tuloy ang tulong na ibibigay nito, mula sa ₱10,000 cash assistance hanggang sa pagbibigay ng kabuhayan upang makabalik sa normal nilang pamumuhay.