Mahigit 160 maritime students at stakeholders sa Visayas at Bicol Region ang sumailalim sa pagsasanay sa pagsagip ng buhay at pagtugon sa mga emergency sa dagat.
Pinangunahan ng Maritime Industry Authority o MARINA ang Basic Life Support at Water Search and Rescue training, katuwang ang Philippine Coast Guard o PCG at Philippine Navy.
Sa Central Visayas, 120 kalahok mula sa mga shipping company, maritime school at training center ang sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay.
Habang nasa 40 estudyante naman ng Marine Transportation at Marine Engineering ang sinanay sa Bicol Region.
Kabilang sa mga itinuro ang cardiopulmonary resuscitation o CPR, first aid, water safety at tamang paggamit ng rescue equipment.
Sumailalim din ang mga kalahok sa aktuwal na rescue drills gamit ang inflatable rescue boats.
Layunin ng MARINA na mapalakas ang kahandaan ng mga mag-aaral at maritime personnel sa pagtugon sa mga aksidente at iba pang emergency sa dagat.
