Mariing tinuligsa ni House Prosecution Panel Adviser at Spokesperson Ace Barbers ang mga ulat hinggil sa umano’y mga plano ng Beijing na magpatupad ng sanction at resource cuts sa Pilipinas.
Ayon sa dating kongresista at gobernador ng Surigao del Norte, isa itong desperadong “psychological operation” at propaganda na sadyang idinisenyo upang maghasik ng takot.
Reaksyon ito ni Barbers matapos ilathala ng Chinese Commercial News ang nagbabantang ulat na nagbabala tungkol sa pagputol ng suplay ng langis at abono, pati na ang panggigipit na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Giit ni Barbers, isa itong walang batayan at malisyosong ‘news float’.
Nagbabala si Barbers sa publiko na manatiling matatag at huwag magpadaig sa mga mapanlinlang na naratibo.
Aniya, ang mga ganitong hakbang ay isang “classic gray-zone tactic” na ginagamit upang i-intimidate ang mga lider ng bansa at sirain ang pagkakaisa at paninindigan ng publiko pagdating sa usapin ng West Philippine Sea.
Ikinumpara rin ng mambabatas ang insidenteng ito sa naunang pekeng “news float” noong nakaraang buwan, kung saan inangkin na ang lalawigan ng Batanes ay bahagi ng China bilang heograpikal na ekstensyon ng Taiwan.
Nanawagan si Barbers sa sambayanang Pilipino na patuloy na itakwil ang ganitong uri ng psychological war at buong-pusong panindigan ang mga karapatan ng bansa sa sarili nitong soberanya.