Matapos ang tatlong taon, pormal nang isasabit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang kaniyang uniporme ngayong araw, kasabay ng kaniyang pagreretiro bilang ika-60 Chief of Staff ng AFP.
Batay sa abiso ng AFP Public Affairs Office, isasagawa ang Change of Command Ceremonies sa Lapu-Lapu Grandstand sa Kampo Aguinaldo, na pangungunahan ng Commander-in-Chief na si Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., mamayang hapon.
Naging mayabong ang termino ni Brawner bilang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas mula sa maigting na laban kontra sa insurhensya patungo sa tinatawag na “external defense”.
Isinulong din niya ang mga reporma upang palakasin ang Armed Forces sa ilalim ng kanilang modernization program gaya ng mga bagong assets, kagamitan, at pagbuo ng mga bagong command na nakatutok sa cyber domain.
Sa ilalim din ng pamumuno ni Brawner, naging masidhi ang kampaniya ng Pilipinas na igiit ang soberaniya ng bansa sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng communication plan “Mulat” para labanan ang mga naratibo ng China patungkol sa usapin.
Si Brawner na nanungkulan bilang sundalo sa loob ng 41 taon ang kauna-unahang Chief of Staff ng AFP na nakabuo ng 3-years fixed term sa ilalim ng Republic Act 11939.
Nang hingan naman ng mensahe si Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr para kay Brawner, wala itong ibang sinabi kungdi “Goodluck.”