Minamadali na ng Department of Education (DepEd) katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagpapanumbalik sa normalidad ng pamumuhay ng mga komunidad sa bayan ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental.
Ito’y matapos ang sunod-sunod na kalamidad na dumapo sa bahaging iyon ng Mindanao partikular na ang Magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani gayundin ang pinsalang idinulot ng mga pag-ulang dala ng habagat na pinaigting ng bagyong Inday.
Pagtitiyak ni Education Secretary Sonny Angara ang mabilis na rehabilitasyon, pagpapatayo ng Learning Continuity Spaces, at patuloy na suporta para sa ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral at guro.
Kahapon, pinangunahan ni Angara ang pag-iinspeksyon sa mga paaralang labis na napinsala ng sunod-sunod na sakuna kasama sina Cabinet Secretary Benhur Abalos, DSWD Secretary Rex Gatchalian, at DPWH Secretary Vince Dizon.
Partikular nilang inikot ang Emeliano S. Fontanares Sr. National High School sa Brgy. Sugal, Edna Guillermo Memorial National High School sa Brgy. Nuing, at Butulan Elementary School.
Binisita rin nila ang mga apektadong lugar sa Brgy. Sugal, evacuation center sa Sitio Kalnasan, at ang ground zero sa Brgy. Butulan para tingnan ang lawak ng pinsala at agad na ihatid ang pangangailangan ng mga mag-aaral, guro, at mga pamilyang lumikas.