Kinondena ni dating Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers ang naiulat na marahas na panggigipit ng China Coast Guard (CCG) laban sa mga tauhan ng Philippine Navy na nagpapatrolya sa paligid ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Tinawag ni Barbers na “isang pambabastos at peligrosong anyo ng agresyon” ginawa kung saan gumamit ng mga pamalong kahoy (wooden batons) ang CCG laban sa mga sundalong Pilipino na nakasakay sa isang rubber boat.
Aniya, naglagay ito sa panganib sa buhay ng ating mga Navy personnel na nagpapatupad lang ng kanilang tungkulin sa karagatan.
Nanawagan din siya sa kongreso na ipagpatuloy ang modernization ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at iba pang maritime agencies.
Sinaluduhan din ng mambabatas ang Philippine Navy personnel sa kanilang disiplina at professionalism sa gitna ng agresyon ng CCG.
Dapat din aniyang patuloy ang international community sa pakikipagtulungan upang ipaglaban ang rules-based international order.