Pormal na naghain ng reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang ilang indibidwal mula sa Cebu matapos umanong mabiktima ng ilang pulis sa magkahiwalay na umano’y modus na bentahan ng sasakyan.
Sa unang reklamo, sangkot umano ang isang Police colonel at apat pang Police personnel na nag-alok ng pagbebenta ng mga brand-new na sasakyan na hindi naman idini-deliver kahit bayad na.
Ayon sa isa sa mga complainant na si Ronald Elpa, naengganyo silang bumili sa pulis dahil pinalalabas nitong sila ay may special dealership allocations at may malaking discount sa pagbili ng mga sasakyan mula sa mga awtorisadong dealership.
Gayunman, matapos magbayad ng buo, hindi umano nai-deliver ang ilan sa mga sasakyan, habang ang iba naman ay lumabas na nakasangla pala o may umiiral na obligasyon sa mga bangko at iba pang financial institutions.
Isa sa mga complainant ang umano’y nagbayad nang buo para sa isang 2025 Nissan Patrol, at ang isa ay hindi rin natanggap ang in-order nitong Toyota Land Cruiser.
Ayon pa kay Elpa, sinubukan pa umano siyang aregluhin ng pulis na nag-alok sa kanya ng graba kapalit ng perang ibinayad para magamit sa kanyang batching plant.
Samantala, sa hiwalay namang complaint, isa pang Police colonel ang inireklamo ng isang barangay chairman mula rin sa Cebu.
Ayon sa complainant, kinumbinsi umano siya ng opisyal na mag-downpayment sila ng isang sasakyang ipaparenta. Ngunit tumalbog umano ang tseke ng pulis at kalaunan ay kinuha pa umano nito ang sasakyan, na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik.
Ikinagulat naman ni NAPOLCOM Chief Rafael Calinisan ang umano’y pagkakasangkot ng mga pulis sa tila isang car dealer modus, na aniya’y ngayon lamang niya narinig.
Dahil dito, sinabi ni Calinisan na magsasagawa ang NAPOLCOM ng masusing imbestigasyon at makikipag-ugnayan din sa Land Transportation Office (LTO) para beripikahin ang mga detalye ng mga transaksyon.