“Tuloy ang katotohanan at pananagutan.” – Rep. De Lima
Pinuri ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang kapwa niya mambabatas at prosecutor na si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno matapos nitong pamunuan ang tagumpay ng House prosecution panel sa oral arguments sa Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos aprubahan ng Impeachment Court ang dalawang mosyon ng prosecution panel na maglabas ng subpoena para sa tax records, Anti-Money Laundering Council (AMLC) reports, at bank records ni VP Duterte, at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ng kanilang mga negosyo, batay sa ilang itinakdang limitasyon.
Ayon kay De Lima, saludo siya kay Diokno sa mahusay at malinaw na pagpapaliwanag sa paninindigan ng House prosecution, na hindi dapat hadlangan ang paglalabas ng napakahalagang ebidensya ukol sa totoong yaman ni VP Sara.
Mensahe pa ng mambabatas sa publiko, abangan ang susunod pang mga araw ng paglilitis dahil tuloy na tuloy ang proseso ng katotohanan at pananagutan.