Photo courtesy of DSWD Northern Mindanao
Tumanggap ng tulong-pinansyal sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) ng pamahalaan ang mahigit 1,000 pamilya sa isinagawang payout sa Cultural Gym sa Tubod, Lanao del Norte.
Ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ay tumanggap ng isang beses na P2,000 tulong-pinansyal.
Samantala, ang mahihirap at near-poor na pamilyang natukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) at hindi kabilang sa 4Ps at Walang Gutom Program ay makatatanggap ng P2,000 bawat buwan mula Hulyo hanggang Disyembre 2026.
Makatatanggap din ng P2,000 bawat buwan sa parehong panahon ang mga kwalipikadong manggagawang may mababang kita na miyembro ng Social Security System (SSS).
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office X, personal munang ibinigay ang ayuda sa unang payout, habang sa mga susunod ay direkta na itong ipapasok sa napiling digital financial account ng mga benepisyaryo.
Inilunsad ang UPLIFT sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang magbigay ng agarang tulong sa 7.5 milyong pamilyang Pilipino, maprotektahan ang kanilang kabuhayan at makatulong sa pagpapatatag ng ekonomiya ng bansa.