Nagbabala na ang Philippine National Police (PNP) sa mga magsasagawa ng kilos-protesta sa isasagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa pagsusunog ng effigies.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, bagamat iginagalang nila ang freedom of expression at constitutional rights ng mga raliyista ay labag naman sa batas ang pagsusunog ng mga effigy na paglabag sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act at Republic Act 8749 o Clean Air Act.
Nangangahulugan ito na kung itutuloy ng mga raliyista ang pagsusunog ng effigy o alin mang imahe ay mananagot pa rin sila sa batas, partikular ang mga regulasyong pumo-protekta sa kalikasan.
Pagtitiyak naman ng PNP na pananatilihin pa rin nila ang maximum tolerance at panawagan sa mga raliyista para sa maayos at mapayapang pagsasagawa ng mga kilos-protesta.