Bukod sa pagtitipid sa tubig, umapela rin ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na iwasan ang “panic buying” o ang labis na pag-iimbak ng mga tinatawag na essential supplies.
Ito’y makaraang mag-viral sa social media ang sobra-sobrang pagbili ng mga bottled water gayundin naman ang biglaang pagsipa sa presyo ng mga balde dahil sa pinangangambahang kakapusan sa suplay ng tubig sa hinaharap.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., bagaman totoo na kinakailangang maghanda, dapat pa rin aniya itong gawin ng mahinahon, responsable at may pagmamalasakit sa kapwa.
Giit ng PNP Chief, hindi aniya kailangang mag-hoard ng mga basic goods dahil kung sapat naman ang nabibili sa araw-araw ay tiyak na may access pa rin ang lahat sa mga pangunahing produkto.
Kasunod nito, nagbabala naman ang PNP sa mga magpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng nararanasang El Niño na may kaakibat itong parusa salig sa mga umiiral na batas.
Hinikayat ng PNP ang publiko na alamin lamang ang mga tamang impormasyon mula sa mga lehitimong source gaya ng PAGASA gayundin sa mga ahensya ng Pamahalaan na nakatutok sa El Niño.