Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang pag-abswelto ng Ombudsman sa kasong administratibo na isinampa laban sa limang pulis kaugnay sa ikinasa nitong operasyon sa Quezon City noong 2021.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., binigyang diin lamang sa desisyon ang kahalagahan ng pagbatay sa inilatag na mga ebidensya gayundin sa mga itinakdang ligal na proseso sa pagresolba ng mga reklamo.
Magugunitang inaresto ng mga pulis ang dalawang aktibista sa Brgy. Pansol sa Quezon City noong Hulyo 2021 dahil sa mga kasong may kinalaman sa iligal na pagmamay-ari ng mga baril, murder at frustrated murder subalit pinalaya ng korte noong 2025.
Matapos nito, binuweltahan naman ng mga pinalayang aktibista ang mga Pulis nang sampahan nila ang mga ito ng kaso sa Office of the Ombudsman dahil sa anila’y pagmamalabis ng mga ito sa pagpapatupad ng batas.
Pero ibinasura ng Ombudsman ang mga reklamo dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya upang maitaguyod ang pananagutan ng mga pulis.
Dahil dito, sinabi ni Nartatez na mahigpit nilang pinangangsiwaan ang mga operasyon sa pamamagitan ng pagtutok at maayos na pagsasadokumento ng mga naging aksyon ng Pulisya nang may paggalang sa karapatang-pantao.