Umapela ang ilang grupo ng mga tsuper at operator para sa ₱2 na dagdag-pasahe kasabay ng kanilang babala na magsasagawa ng nationwide transport strike kung hindi pagbibigyan ang kanilang kahilingan.
Ayon kay Manibela Chairperson Mar Valbuena, hindi sapat ang ₱1 na dagdag-pasahe dahil hindi pa umano nababawi ng mga tsuper at operator ang kanilang mga nawalang kita mula noong Marso.
Samantala, sinabi naman ni ACTO President Libay de Luna na malaking tulong na sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon ang dagdag na ₱1 o ₱2 sa pasahe, lalo na sa umiiral na patuloy na pagtaas ng gastusin.
Nagbabala ang dalawang grupo na magsasagawa ng tigil-pasada sakaling magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Valbuena, pinag-aaralan na nila ang petsa ng posibleng transport strike, at tinatayang aabot sa 100,000 drivers at operator sa buong bansa ang maaaring lumahok.
Nakatakda ring makipagpulong ang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang talakayin ang kanilang hiling na dagdag-pasahe.