Sinabi ni House Prosecutor Leila De Lima na handa sila sa ano mang legal na hakbang ng kampo ni Vice President Sara Duterte o sakaling iakyat nila sa Korte Suprema ang desisyon ng Senate Impeachment Court na magpalabas ng subpoena para sa kanyang bank at tax records.
Ayon kay De Lima, bagamat paulit-ulit na naghahain ng petisyon ang kampo ng depensa sa Mataas na Hukuman, nananatili silang bigo na makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO).
Aniya, inaasahan na ng prosekusyon ang patuloy na paghahain ng apela ng depensa sa Korte Suprema, kaya’t nakahanda silang ipagtanggol ang naging desisyon ng Impeachment Court.
Sinabi pa ng mambabatas, tutulong ang Office of the Solicitor General (OSG) na siyang tatayong kinatawan ng House prosecution panel kung sakaling pormal na makarating sa Korte Suprema ang legal na usapin.