Matapos humakot ng parangal at papuri sa international film festivals, inilabas na ang official trailer ng award-winning Filipino film na “Filipiñana” noong July 15, 2026. Mauunang mapapanood ang pelikula sa Film Forum ng New York City sa August 28, 2026 bago ang nakatakdang homecoming screening nito sa Pilipinas.
Ang Filipiñana ay isang coming-of-age film sa direksyon ni Rafael Manuena na umiikot sa kuwento ng 17-anyos na tee-girl na si Isabel na ginampanan ni Jorrybell Agoto at nagtatrabaho sa isang eksklusibong country club sa Maynila. Sa kaniyang pagtatrabaho, unti-unti niyang natutuklasan ang mga madidilim na lihim na matagal nang itinatago sa likod ng kapangyarihan at pribilehiyo ng mga elitista.
Tinatalakay rin ng pelikula ang social inequality, abuso sa kapangyarihan, exploitation, at ang patuloy na epekto ng kolonyalismo at sistemang patriyarkal.

Unang nakilala ang Filipiñana nang mapili ito sa World Cinema Dramatic Competition ng 2026 Sundance Film Festival, kung saan naiuwi nito ang Special Jury Award for Creative Vision. Mula noon, nagtuloy-tuloy ang international journey ng pelikula, kabilang ang European premiere nito sa Berlin International Film Festival, pati na rin sa iba pang prestihiyosong film festivals sa iba’t ibang bansa.
Sa ngayon, nakapagtala na ang pelikula ng anim na international awards, kabilang ang Best Feature Film at Youth Jury Award sa Cinema Jove, Grand Jury Prize sa IFFBoston, New Directors Award sa SFFILM, at Italy Special Jury Mention sa Magma Debut Film Festival. Patuloy din itong iniimbitahan sa iba pang festivals gaya ng Karlovy Vary International Film Festival at New York Asian Film Festival.
Kasabay ng paglabas ng trailer, inanunsyo ring magsisimula ang theatrical run ng Filipiñana sa makasaysayang Film Forum sa New York City bago ito palawakin sa iba pang sinehan sa US at Canada.
Mas magandang balita para sa mga Pilipino dahil nakatakda na rin ang homecoming theatrical release ng Filipiñana sa Pilipinas ngayong August 2026 sa tulong ng Abnormal Studios at Lunchbox PH. Inaasahan ding magkakaroon ng Philippine premiere ang pelikula, na siya ring magiging Asian premiere nito.
Maraming netizens ang nagpahayag ng excitement at suporta sa social media matapos mapanood ang official trailer. Pinuri ng mga manonood ang cinematography, storytelling, at ang tapat nitong paglalarawan sa buhay ng mga Pilipino.
Kaya naman para sa marami, ang tagumpay ng Filipiñana ay hindi lang panalo ng isang pelikula, kundi panibagong hakbang para mas makilala ang Philippine independent cinema sa buong mundo.