Iginiit ng mga opisyal ng ASEAN at India ang kahalagahan ng mas matibay na kooperasyon sa gitna ng lumalalang pandaigdigang hamon, kabilang ang seguridad sa karagatan, supply chains, at pagpapanatili ng isang rules-based international order.
Sa pagbubukas ng ASEAN-India Ministerial Meeting, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teresa Lazaro na patuloy na lumalalim ang ugnayan ng ASEAN at India mula nang maitaas ito bilang Comprehensive Strategic Partnership noong 2022.
Ayon kay Lazaro, nakatuon ngayong 2026 ang ASEAN-India Year of Maritime Cooperation sa pagpapalawak ng pagtutulungan sa kalakalan, blue economy, turismo, connectivity, at pagpapalakas ng kakayahan ng maritime law enforcement agencies sa pamamagitan ng iba’t ibang pagsasanay at programa.
Samantala, binigyang-diin ni Indian External Affairs Minister S. Jaishankar, na mahalaga ang mas malalim na kooperasyon sa harap ng mga hamon sa supply chains, seguridad sa enerhiya, pagkain, at kalusugan.
Aniya, kritikal din ang pagsunod sa international law upang mapanatili ang ligtas at matatag na maritime trade.
Idinagdag pa ni Jaishankar na nananatiling mahalagang prinsipyo ng India ang ASEAN centrality at nakikita nitong maraming oportunidad para sa mas malalim na pagtutulungan sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, teknolohiya, artificial intelligence, sustainability, at connectivity.
Nakatakdang ipagdiwang ng ASEAN at India ang ika-35 anibersaryo ng kanilang dialogue partnership sa susunod na taon, habang inaasahang higit pang palalawakin ang kanilang kooperasyon para sa mas matatag at mas ligtas na rehiyon.
Inaasahan namang matapos nitong pulong ay isasagawa naman ang ASEAN post-ministerial conference kasama ang Estados Unidos.