Binigyang-diin ng Department of National Defense (DND) na “scripted” ang lahat ng inilalabas na propaganda ng China laban sa Pilipinas at sa kampanya nito sa West Philippine Sea (WPS) kaugnay ng mga inilabas na AI-generated video at editorial cartoons ng mga Chinese news and social media content platforms.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., sinabi nitong sinadya talaga ng China na i-timing ang paglalabas ng mga propaganda bago at habang nagaganap ang Foreign Ministers’ Meeting ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) sa bansa upang ma-invalidate ang mga ipinaglalaban ng bansa at mawala ang Pilipinas sa upper ground ng laban.
Isa pang target ng nasabing mga propaganda ay ang hikayatin mismo ang kanilang mga kababayan sa Tsina na suportahan ang kanilang naratibo upang kahit papaano ay mapahupa rin ang internal at domestic conflicts na hinaharap ng China sa kanilang bansa.
Isang bagay na maituturing na manipulasyon hindi lang sa naratibong inilalabas nila sa isyu ng territorial dispute kung hindi pagma-manipula rin sa mga residente ng China.