Photo courtesy of Department of National Defense (DND)
Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na isang napakalakas na mensahe ang iniwan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatawag nito kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan kaugnay ng nangyaring insidente sa Ayungin Shoal, na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Sinabi ni Teodoro, na dito na inilabas ni Pangulong Marcos ang totoong saloobin ng bansa pagdating sa patuloy na agresyon ng China sa Pilipinas at patuloy nitong panghihimasok sa teritoryo ng bansa.
Ani Teodoro, bitbit ng Pangulo ang kolektibong saloobin at galit ng bawat Pilipino na maayos naman nitong naiparating sa Chinese envoy.
Dagdag pa ng kalihim, na hindi na rin uubra ang tila pagmamanipula ng Tsina sa mga pahayag nito matapos ang biglaang pulong lalo’t mulat na ang mga Pilipino sa taktika ng China.