Personal na ininspeksiyon ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang disaster-resilient prefabricated Learning Continuity Spaces (LCS) ng Department of Education (DepEd) sa Romana Acharon Central Elementary School sa General Santos City.
Ito’y bilang pagpapatuloy sa naunang pagbisita rito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong June 10 matapos yumanig ang Magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani noong June 8.
Partikular na binisita ng Unang Ginang ang mga bagong tayong modular structure na gumagamit ng makabagong off-site manufacturing technology.
Layon nito na huwag mabalam ang pag-aaral ng nasa 4,460 mag-aaral sa kabila ng matinding pinsalang tinamo ng kanilang gusaling paaralan.
Hanggang nitong July 16, nakapagpatayo na ang DepEd ng 50 yunit ng LCS sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, Central Visayas, Davao Region, at CARAGA.
May karagdagang 828 yunit pa ang kasalukuyang sumasailalim sa iba’t ibang yugto ng procurement at pagbuo sa buong bansa upang suportahan ang tuloy-tuloy na paghahatid ng edukasyon.