Pinagtibay ng ASEAN at Japan ang matatag nitong partnership kasabay ng panawagang palakasin ang kooperasyon sa seguridad, ekonomiya, at teknolohiya sa gitna ng lumalalang hamon sa rehiyon.
Sa pagbubukas ng ASEAN Post-Ministerial Conference with Japan, sinabi ng Singapore na mahalagang partner ng ASEAN ang Japan sa pagsusulong ng isang bukas, inklusibo, at rules-based regional order. Binigyang-diin din ang pagpapatuloy ng pagpapatupad ng ASEAN Outlook on the Indo-Pacific o AOIP at paghahanda para sa ASEAN-Japan Summit sa Nobyembre.
Samantala, iginiit ng Japan na mahalaga ang pagpapalakas ng katatagan ng mga bansa sa usapin ng depensa, economic security, at pagtugon sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at mga sakuna. Inihayag din nito ang kahandaang palawakin ang kooperasyon sa digital transformation, artificial intelligence, green transformation, at iba pang larangan na makatutulong sa pag-unlad ng rehiyon.
Muling pinagtibay din ng Japan sa pahayag nito na ang ASEAN at ang kanilang mahigit limang dekadang ugnayan ay nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan, katatagan, at mas matibay na kooperasyon para sa isang mas matatag at mas maunlad na Indo-Pacific.