Photo courtesy of Federal Communications Commission
Isinusulong ng Estados Unidos ang mas mahigpit na regulasyon sa pagpasok ng mga military-grade drone na gawa sa ibang bansa, partikular iyong mula sa China, bilang bahagi nang pagpapalakas ng kanilang pambansang seguridad.
Inaprubahan ng Federal Communications Commission (FCC) ang isang panukalang magbabawal sa pag-import ng mga drone na may advanced military capabilities, kabilang ang mga maaaring gamitin sa surveillance, intelligence gathering, at iba pang sensitibong operasyon.
Iginiit ng mga opisyal ng Estados Unidos na mahalagang mapigilan ang pagpasok ng teknolohiyang maaaring maging banta sa seguridad ng kanilang bansa.
Gayunman, hindi maaapektuhan ng panukala ang mga ordinaryong consumer drone at ang mga unit na kasalukuyan nang ginagamit ng publiko.
Isasailalim muna ang panukala sa public consultation bago ito tuluyang pagtibayin.
Kapag tuluyang naaprubahan, inaasahang magiging bahagi ito ng mas malawak na polisiya ng Washington upang higpitan ang pagpasok ng mga teknolohiyang itinuturing na may banta sa pambansang seguridad at kritikal na imprastruktura.