Pinaigting ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang cyber security patrol operations nito.
Bahagi ito ng paghahanda para sa ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Lunes, July 27.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni ACG Director Police Brigadier General Wilson Asueta na patuloy ang kanilang ginagawang monitoring online para maprotektahan ang publiko laban sa mga ‘fake news’ na ipinakakalat, ilang araw bago ang SONA.
Ayon kay Asueta, kailangan matiyak sa publiko na ligtas ang gagawing SONA ng Pangulo at hindi maalarma sa mga ibinabahaging maling impormasyon.
Hindi naman nagbigay ng detalye si Asueta kaugnay sa mga pages o account na nagpapakalat ng maling impormasyon.
Pero tiniyak niya na patuloy ang pagbabantay ng ACG para masigurong walang manggugulo sa SONA ng Pangulo.
Nauna rito ay nagpalabas na ang ACG ng Cybersecurity Advisory para bigyang babala ang publiko laban sa mga cybercrimes na maaaring samantalahin sa panahon ng SONA.