Photo courtesy of DSWD
Nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng epekto ng low-pressure area (LPA) na maaaring maging tropical depression sa susunod na 24 oras.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, patuloy nilang mino-monitor ang sama ng panahon at nakikipag-ugnayan na sa mga field office, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya para sa mabilis na pagresponde.
Tiniyak ni Dumlao na may nakahandang mahigit 4.4 milyong kahon ng family food packs at iba pang relief items ang DSWD na ipamamahagi sa mga maaapektuhang pamilya.
Mayroon ding mahigit ₱2.47 bilyong standby funds ang ahensya para sa pagtugon sa mga posibleng pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Hinimok ng DSWD ang publiko na manatiling alerto, makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, at alamin ang pinakamalapit na evacuation center para sa kanilang kaligtasan.