Umabot na sa 4,289 pamilyang Pilipino ang nabigyan ng seguridad sa kanilang paninirahan sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Sa bilang na ito, 784 pamilya ang nakatanggap ng Certificates of Entitlement (COE), habang 3,505 pamilya ang nabigyan ng Certificates of Lot Award (CELA) sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP).
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling, target na mabigyan pa ng COE ang mahigit 1,300 pamilya ngayong taon para sa mga lupang sakop ng iba’t-ibang Presidential Proclamations.
Ang COE ay nagsisilbing patunay ng seguridad sa paninirahan ng mga benepisyaryo at katuparan ng matagal nilang paghihintay na magkaroon ng legal na karapatan sa lupang kanilang tinitirhan.
Samantala, umabot na sa 47 housing projects sa buong bansa ang naaprubahan sa ilalim ng ECMP, na inaasahang makikinabang ang mahigit 8,000 pamilya.
Iginiit oa ng Kalihim na magpapatuloy ang pagpapatupad ng Expanded 4PH Program upang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng legal at maayos na tahanan. | ulat ni Rey Ferrer