All hands on deck ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC sa pag-takedown ng mga naglipana at nagkalat na pekeng social media accounts sa iba’t ibang social media platforms na ang tanging ginagawa ay magkalat ng fake news at magsagawa ng trolling activities.
Sa programang BOSES, sinabi ni CICC Executive Director Undersecretary Aboy Paraiso na dumaraan na ngayon sa matinding pagsasanay ang lahat ng kawani ng CICC upang mas maging epektibo ang kanilang detection system sa mga fake accounts.
Kabilang nga sa mga pagsasanay na kanilang tinututukan ang familiarization sa community standards ng mga social media platforms upang maging mas malakas ang ikakasa nilang apela.
Mas pinaghuhusay din ng CICC ang ugnayan at kooperasyon nito sa mga social media platforms upang mas mabilis na maaksyunan ang mga nasabing fake accounts.
Aminado ang CICC na marami pa ring challenges pagdating sa mas epektibong pag-takedown ng mga fake account, kaya naman unti-unti nang pinauusad ng CICC ang kanilang mga hakbang para sa mas epektibong cybercrime enforcement.