Nahulihan ng humigit-kumulang 30 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng ₱204,000 ang isang estudyante sa isinagawang regular na inspeksyon sa isang paaralan sa Barangay Banago, Bacolod City.
Ayon sa Police Regional Office-Negros Island Region, nagsasagawa ng routine security inspection ang school security guard sa exit gate ng paaralan nang mapansin nito ang kahina-hinalang laman ng bag ng estudyante.
Sa isinagawang inspeksyon, narekober ang dalawang nakabuhol na plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.
Agad na ipinagbigay-alam ang insidente sa Police Station 3 ng Bacolod City Police Office (BCPO), na rumesponde kasama ang mga tauhan ng City Intelligence Unit (CIU).
Alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, hindi isinapubliko ang pagkakakilanlan ng menor de edad. Dinala ang estudyante sa sa protective custody at isasailalim sa kaukulang intervention ng Social Development Center (SDC) bilang Child in Conflict with the Law (CICL).
Sa ngayon, naimbentaryo na ang mga nakumpiskang ebidensya at isasailalim sa laboratory examination habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng iligal na droga at kung may sindikatong gumagamit sa menor de edad sa kanilang operasyon. |
📷 PRO-NIR