Ipinahayag ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na kabilang sa mga natalakay sa retreat session ng ASEAN Foreign Ministers’ Meeting nitong Martes ang insidente sa Ayungin Shoal, na pag-atake ng China Coast Guard at sa kawani Philippine Navy.

Tinalakay rin ng foreign ministers ang patuloy na pagsusulong ng Code of Conduct sa South China Sea bilang bahagi ng layunin ng ASEAN na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Dahil dito, nakatuon ang pansin ng lahat sa pagdalo ni Chinese Foreign Minister Wang Yi sa ASEAN meetings ngayong Miyerkules, na pinangungunahan ng Pilipinas.
Inaasahang magiging bahagi ng talakayan ang mga isyung may kinalaman sa South China Sea, kasabay ng patuloy na pagsusulong ng diplomasya at mapayapang pagresolba sa mga tension.
Bago nga ito, nakipagpulong na si Wang Yi kay ASEAN Secretary-General Kao Kim Hourn sa sidelines ng 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Pasay City, kahapon. Pinag-usapan nila ang progreso ng ASEAN-China Comprehensive Strategic Partnership, na maglilimang taon na.
Samantala, inaabangan din ang pakikipagpulong ng mga foreign ministers ng ASEAN kina US Secretary of State Marco Rubio at Russian Foreign Minister Sergey Lavrov. Inaasahang kabilang sa mga tatalakayin ang mga hamon sa pandaigdigang seguridad, kabilang ang nagpapatuloy na mga sigalot sa Middle East at Ukraine.